TALUMPATI
Malapit na naman ang
election; ito ay dapat ang simula ng isang bagong kabanata sa ating bansa na
puno ng pag-asa, pero bakit parang paulit-ulit ang mga pangyayari? Ang ating
mga balota ay nagiging sanhi ng takot at panlilinlang sa halip na magdulot ng Magandang
pagbabago sa ating bansa. Ang mga taong nakasulat sa ating mga balota ay mga
taong may mga bahid ng kasalanan, kasakiman, at pang-aabuso, hindi mga bayani.
Nakikita na natin ito sa nakaraan at tila nakikita din natin ngayon—mga
pulitikong magnanakaw, mandaraya, at nagpakasasa sa yaman ng bansa ay bumalik
upang humingi muli ng ating mga boto. Ang ilan sa kanila ay may mga kasong
hindi pa nalutas at ang iba ay kilala sa kanilang mga pagkakasangkot sa krimen.
Gayunpaman, ano ang dahilan kung bakit sila pa rin ang mga kandidato sa balota?
Ito ang realidad na
ipinapakita sa pelikulang “Balota.” Ang ating eleksyon ay isang sistema na puno
ng kasinungalingan, kung saan ang pananakot at pagbili ng boto ay humahadlang
sa boses ng mamamayan. Ang tanong ay, hanggang kailan tayo magpaloko? Hanggang
kailan natin hahayaan ang mga pulitikong sumisira sa batas na tumakbo para sa
posisyon sa ating gobyerno? Hindi tayo dapat maging bulag sa kanilang matatamis
na salita. Huwag tayong mabingi sa kanilang paulit-ulit na pangakong napapako.
Ang eleksyon ay isang responsibilidad na dapat gampanan ng bawat mamamayan ng
Pilipinas; ito ay hindi isang laro ng kapangyarihan. Ang ating boto ay hindi
lamang isang papel, ito ay isang papel na nagtataglay ng ating boses, pag-asa,
at ating kinabukasan.
Iginiit ni Jose Rizal na
ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan. At tayo ay hindi bulag. Alam natin ang
kasaysayan ng pandaraya, pang-aabuso, at kasakiman mula sa mga taong may kapangyarihan.
Huwag hayaang lasunin ang ating isipan sa mga sinungaling politiko. Hindi tayo
mga manika na basta-basta nilang makontrol sa pamamagitan ng matatamis na
pangako. Ang kaalaman at kakayahang pumili ay nasa atin. Ang pagboto ay isang
kapangyarihan na meron tayo na kayang pigilan ang pagwasak ng ating bayan. Huwag
nating hayaang muling maupo ang mga kriminal at mandaraya sa ating gobyerno.
Pumili tayo ng mga taong tapat, may malasakit, at tunay na naglilingkod. Sa
huli, nasa kamay natin ang ating kinabukasan. Gamitin natin ang ating talino at
boses. Vote wisely!
Comments
Post a Comment